Gatchalian
By

Cash transfer na utos ng TRAIN law, madaliin – Gatchalian, Aquino

Sharing is caring!

Kinundena nina Senador Sherwin Gatchalian at Senador Bam Aquino ang atrasadong pagbibigay sa pamilyang mahihirap ng unconditional cash transfer na utos ng Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) Law.

Mariing sinabi ng dalawang senador na hindi iyon dapat na nababalam dahil nabibigatan na ang marami sa pag-iral ng TRAIN Law na nagpataas ng presyo ng petrolyo at mga bilihin.

Wala rin anilang dahilan na mabalam ito dahil available naman ang P24 bilyon na ipinalaan ng Konggreso.

Sa TRAIN Law, bibigyan ng P200 kada buwan ang 10 milyong pamilya na kabilang sa matutukoy ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).

Sa pagdinig ng Senado, sinabi ng isang opisyal ng DSWD na apat na milyon pa lang ang nabibigyan at maaring maabutan ang iba mula sa Setyembre hanggang sa pagtatapos ng taon.

Umano ay kinukumpleto pa ang listahan ng beneficiaries ng programa.

Ayon kay Gatchalian, hindi dapat magtagal ang DSWD sa pagtukoy ng pamilyang mahihirap dahil sila rin ang nakalista na sa Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps).

Anim na milyon ang nakalista sa 4Ps kaya ang apat na milyon na lang umano ang tutukuyin.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?