16

Oct 13, 2021 @ 16:19
By

Cash, fuel subsidy para sa PUV panlaban sa taas pasahe

Pinaplantsa ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang panibagong fuel and cash subsidy upang matulungan ang mga tsuper ng pampublikong sasakyan na apektado ng magkakasunod na pagtaas sa presyo ng produktong petrolyo.

Sa pagdinig ng House Committee on Transportation ngayong Miyerkoles, sinabi ni LTFRB Executive Director Joel Bolano na nakikipag-ugnayan na ito sa Department of Energy para sa panibagong pagpapatupad ng programa.

“Ngayon po we are preparing the proposal to include po magkano ‘yung amount and ilan po ‘yung beneficiaries po na ipapasok natin dito sa possible Phase II ng fuel and cash subsidy for the PUV operators,” sabi ni Bolano.

Sinabi ni Bolano na noong 2018 at 2019 ay nagbigay ang gobyerno ng subsidiya sa mga PUV driver at operator matapos tumaas ang presyo ng produktong petrolyo dahil sa mas mataas na buwis na ipinataw sa ilalim ng Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) law.

Humihirit ang mga jeepney driver ng P3 dagdag sa minimum na pasahe o mula P9 ay gagawing P12 matapos tumaas ang presyo ng diesel sa halos P50 kada litro.

Ayon kay Bolano, huling nagtaas ang pamasahe noong Hulyo 2018 at ginawa itong P10. Pero bago matapos ang taon ay ibinalik ito sa P9 matapos bumaba ang presyo ng produktong petrolyo.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?