17

May 5, 2021 @ 16:13
By

Carpio parang politiko na kung magsalita – Roque

Pinalagan ng Malacañang ang banat ni retired Supreme Court Associate Justice Antonio Carpio na estapador umano si Pangulong Rodrigo Duterte dahil sa huwad na pangako kapalit ang 16 milyong boto.

Sinabi ni Presidential Spokesman Harry Roque na mistulang politiko na kung magsalita si Carpio laban kay Pangulong Duterte.

“He has resorted to name-calling. As a former justice, alam naman niya ang elemento ng estafa at alam niya na hindi ito estafa. He is now talking as a politician,” ani Roque.

Binuweltahan ng tagapagsalita ng Palasyo si Carpio sa pagsasabing siya ang sumulat ng desisyon na naging dahilan kaya nawala sa Pilipinas ang mga teritoryo at internal sea water ng bansa.

Binigyang-diin ni Roque na hindi bababa ang Malacañang sa lebel ni Carpio at dapat na panagutan nito ang kanyang desisyon na naging mitsa para mawala ang mga teritoryo ng Pilipinas at nakuha ng China.

“Kung estapador po ang Presidente anong tawag sa kanya? Siya mismo ang sumulat ng desisyon kung saan nawala ang sangkatutak na territorial sea natin at internal sea water. We will not stoop down to his level. Panagutan niya ang kanyang desisyon,” dagdag ni Roque.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?