24

Jul 15, 2021 @ 18:26
By

Carpio inudyukan na i-impeach si Duterte

Sinagot ng Malacañang ang pahayag ni dating Supreme Court Associate Justice Antonio Carpio na maaari umanong ma-impeach si Pangulong Rodrigo Duterte dahil sa pagpayag nito na makapangisda ang mga Tsino sa karagatang sakop ng bansa.

Sinabi ni Presidential Spokesman Harry Roque na malaya si Carpio na ipa-impeach si Pangulong Duterte kung kaya nito.

Binigyang-diin ni Roque na hindi ang Presidente ang may desisyon sa pangingisda sa Scarborough Shoal kundi ang arbitral tribunal.

“Go ahead, impeach him if you can. ‘Yung pangingisda doon sa ‘Borough hindi Presidente ang nag-decide diyan. Ang nag-decide po diyan ay ‘yung arbitral tribunal,” ani Roque.

Hindi aniya inaalis sa desisyon ng arbitral tribunal ang karapatang mangisda ang mga dati nang nangingisda sa lugar gaya ng mga Tsinoy at Vietnamese kaya malinaw na hindi si Pangulong Duterte ang nagbigay ng go signal para rito.

“Sinabi po, lahat ng traditional fishing rights, lahat ng nangingisda diyan since time immemorial ay dapat patuloy na respetuhin. Therefore, hindi lang Pilipino ang nangingisda diyan, pati mga Tsino, mga Vietnamese yung mga may traditional fishing right. So huwag n’yo pong sisihin ang Presidente, sisihin niya po ‘yung arbitral tribunal kung gusto niya,” dagdag ni Roque.

Binigyang-diin ng kalihim na kasama si Carpio sa The Hague noong dinidinig ang claim ng Pilipinas sa West Philippine Sea kaya dapat alam nitong hindi si Pangulong Duterte ang may basbas sa pangingisda ng mga dayuhan sa pinag-aagawang mga teritoryo.

“Observer naman po siya, maski saling pusa siya doon sa Hague eh kahit papaano mayroon din siyang responsibilidad sa ganitong naging desisyon,” wika ni Roque.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?