166

Dec 14, 2017 @ 14:04
By

Carpio hindi dadalo sa Sereno impeachment hearing

Lumiham si Senior Associate Justice Antonio Carpio sa House Justice Committee kaugnay ng kahilingan na humarap siya sa impeachment proceedings laban kay Chief Justice Maria Lourdes Sereno.

Ayon kay Carpio, naipabatid sa ibang mga mahistrado at opisyal ng Korte Suprema kung ano ang mga isyu na nais ng House Justice Committee na mabigyang linaw mula sa kanila.

Kaugnay nito, nais umano ni Carpio na maipaalam din sa kanya ang mga isyu na itatanong sa kanya sa impeachment hearing.

“In this regard, may the undersigned likewise be informed of what topics or matters will be asked during the committee hearings of each of the officials and employees named in your letter of 7 December 2017,” saad ni Carpio sa liham niya kay House Justice Committee Chairman Reynaldo Umali na may petsang December 12.

Gayunman, wala pang malinaw na indikasyon na si Carpio ay dadalo sa susunod na pagdinig.

Bukod kay Carpio, inimbitahan din ng kumite ang ilang mahistrado mula sa Sandiganbayan, Court of Appeals, mga hukom mula sa mga trial court at iba pang mga opisyal at empleyado mula sa hudikatura.

Nauna nang tumestigo sa House Justice Committee sina Associate Justices Teresita De Castro, Noel Tijam, Francis Jardeleza, retired SC Justice Arturo Brion at Court Administrator Jose Midas Marquez.

Inaasahan din na kasama sa mga tetestigo sa impeachment hearing na magbabalik sa January 2018 sina Supreme Court Justices Samuel Martires at Mariano Del Castillo.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?