295

By

Carnapping syndicate nasawata sa Pasay

Malabo nang makapangbiktima ang isang grupo ng mga carnapping syndicate sa lungsod ng Pasay matapos matimbog ng Pasay City Police ang tatlo sa apat na karnaper na tumangay sa isang Fortuner na inarkila lamang ng dalawang Chinese national mula sa isang Rent a Car.

Iprinisinta nina Pasay City Mayor Emi Calixto-Rubiano at Police Col. Bernard Yang, hepe ng Pasay City Police sa mga mamamahayag ang mga suspek na nakilalang sina Ryanelle Reyes y Garcia, 40 anyos, driver nakatira sa no. 4-9 Flora Avenue, Villa Teresa Angeles, Pampanga, Argel Garces y Coleman, 35 taong gulang, associate engineer ng NGCP at si Aaron Espiritu y Baluyot, 34 anyos, pawang mga naninirahan sa Trinidad Village, Angeles City, Pampanga.

Base sa ulat ni Col Yang, dakong alas-4:00 ng hapon nitong Disyembre 5 nang maganap ang insidente sa parking area ng Cartimar Center sa Leveriza St. ng nabanggit na lungsod.

Sakay ng isang kulay puting Toyota Fortuner na may conduction sticker na P31825 ang dalawang Chinese national na nakilalang sina Tong Jin Tao at Sang Bo na sila ang umarkila ng sasakyan na minamaneho ng suspect na si Reyes at ipinarada sa parking lot ng Cartimar.

Lumalabas sa imbestigasyon, binayaran ng mga Chinese ang parking fee at naiwan ang ticket at susi ng sasakyan sa kanilang driver na si Reyes, saka pumasok ang mga ito sa Cartimar upang mamili.

Makalipas ang ilang minuto nang papapalabas na ang dalawang dayuhan ay tinawagan nila si Reyes para umalis na ang mga ito.

Agad naman nagtungo si Reyes sa parking upang kunin ang sasakyan at dito na idineklarang nawawala o kinarnap ang nasabing sasakyan.

Agad naman silang nag-report sa Arnaiz Police Community Precinct (PCP) sa pamamagitan ng tulong ng isang Kristy Wu, Filipino Chinese bilang interpreter hanggang sa naipagbigay-alam sa mga awtoridad ang insidente.

Habang nasa tanggapan ng Station Investigation and Detective Management Branch ng Pasay City Police sa ilalim ni Police Lt. Allan Valdez, tinawagan ni Wu ang pinsan ng may-ari ng nawawalang sasakyan na si Virgilio Celis. kung saan sinabi nito na may GPS ang sasakyan.

Agad namang natukoy ang kinaroroonan ng kinarnap na sasakyan at natukoy ito sa compound ng NGCP sa Mexico, Pampanga.

Agad naman nagsagawa ng follow-up operation ang grupo ni Lt Valdez at dito na naaresto ang tatlong suspek kabilang na ang driver ng sasakyan na si Reyes.

Narekober din ng Pasay Police ang kinarnap na sasakyan, habang patuloy na tinutugis ang isa pa umano kasabwat ng mga naarestong karnaper na kinilala lamang sa alyas na Carlo Magno.

Sa ngayon ang tatlo ay nakakulong sa detention cell ng SIDMB at sasampahan ng kasong paglabag sa Republic Act 10883 o Carnapping sa Pasay City Prosecutor’s Office.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?