105
abante toy gun jail
Jan 18, 2018 @ 9:25
By

Carnapper na nangholdap gamit ang toy gun, nahuli

Tinangay ng isang lalaki ang sasakyan ng kanyang amo bago nangholdap sa isang gasolinahan matapos magpakarga ang nadakip ng pulisya nang masabat sa isinagawang police checkpoint sa bayan ng Baliwag, Bulacan, kamakalawa ng hapon.

Base sa report ni Police Supt. Froilan Uy, hepe ng Baliwag police, ang suspek na nahaharap sa patong-patong na kasong kriminal ay nakilalang si Pedro Orong y Arila, 28, na nakadetine ngayon sa Baliwag Municipal Jail at narekober din sa kanyang pag-iingat ang kinarnap na Mitsubishi Adventure na pag-aari ng kanyang amo.

Nabatid na pasado alas-singko ng hapon, nang maganap ang insidente, makaraang huminto sa isang estasyon ng gasolinahan sa bayan ng Baliwag, Bulacan ang pulang Mitsubishi Adventure na may plakang AAJ 6645, na minamaneho ng suspek na si Orong para magpagasolina nang biglang maglabas ng isang kalibre .45 na baril at hinoldap ang pasahero ng isang traysikel na nagpapagasolina rin sa lugar.

Nang makuha ang bag ng biktimang pasahero ng traysikel ay mabilis na tumakas ang suspek ngunit lingid sa kaalaman nito ay naitimbre na ito sa pulisya ng kawani ng gasolinahan kaya naharang ito sa police checkpoint at makuha sa kanyang pag-iingat ang baril na nakumpirmang toy gun at nabawi rin ang kanyang tinangay na bag.

Nakumpirmang kinarnap ng suspek na si Orong ang sasakyan ng kanyang amo sa Caloocan City saka ito dinala sa Baliwag bago niya isinagawa ang panghoholdap gamit ang toy gun ngunit sumablay ito nang masakote ng alertong awtoridad habang nahaharap ito ngayon sa kasong carnapping, robbery at estafa. (Jun Borlongan)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?