164

Oct 18, 2017 @ 14:06

Carmina Castillo sa Aegis Juris Fraternity: Ibalik n’yo ang gamit ni Atio

Umapela sa mga  miyembro ng Aegis Juris Fraternity ang ina ng UST law student na si Horacio “Atio” Castillo III na ibalik na ang gamit ng kanyang mga anak.

Sa pagharap ni Carmina Castillo sa mga miyembro ng Aegis Juris sa ikalawang pagdinig ng Senado, nakiusap din ito na sabihian sa kanya ang mga nangyari nang isailalim sa hazing ang anak.

“You have his phone, bring it back. You have his eyeglasses, you have his watch, bring it back. Those are important to us. Those were his last things that I want,” saad ni Ginang Castillo.

Samantala, pinaharap din sa pagdinig ang mga magulang ng isa pang frat member na si Ralph Trangia.

Ito ay upang tanungin sila kaugnay sa sasakyan na ginamit sa pagdadala kay Atio sa Chinese General Hospital na sinasabing pag-aari ni Antonio Trangia.

Taliwas din sa pahayag ni John Paul Solano, iginiit ni Antonio na hindi ang kanilang driver na si Romeo Labago ang kasama ng grupo na nagdala sa pagamutan kay Atio dahil kasama niya ito ng mga oras na iyon.

Hindi rin napiga ni Poe ang ina ni Ralph na si Rosemarie hinggil naman sa dahilan ng pag-alis nito kasama ang anak matapos pumutok ang insidente.

“I invoke my right against self-incrimination,” saad ni Rosemarie.

“Pasensya na pero may pinagmanahan ang anak nyo,” sagot naman ng senador.

Si Ralph ang sinasabing Master Initiator ng Fraternity subalit sinabi ni Solano na hindi ito nakita sa frat library nang siya ay rumesponde sa hazing. (Dang Samson-Garcia)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?