103

Dec 27, 2017 @ 13:50
By

‘Carmageddon’ nakaamba sa 2018 dahil sa infra projects – DOTr

Kasado na ang mga infrastracture projects na hahataw sa taong 2018.

Dahil dito, sinabi ni Department of Transportation (DOTr) Undersecretary Tim Orbos na garantisado na ang matinding pagsisikip ng trapiko na binansagan ng ilan na carmageddon.

Ayon kay Orbos, maaring magkasabay-sabay o kaya ay mag-aabot ang kontruksyon ng mga railway project, extension ng Line 1 at Line 2 ng Light Rail Transit (LRT) at ng common station ng LRT at Metro Rail Transit (MRT) sa pagitan ng SM at Trinoma sa Quezon City.

Maari rin umanong maumpisahan ang inaambisyong subway, mga link underpass sa EDSA at mga walkway at pathway para sa mga pedestrian at bikes.

Isasailalim din umano sa rehabilitasyon ang tulay ng Guadalupe sa Makati City.

Tiniyak naman ni Orbos na magtutulungan sa pagtiyak ng maayos na daloy ng trapiko ang DOTr, Metro Manila Development Authority (MMDA) at ang Department of Public Works and Highways (DPWH).

“Kailangan pong unawain ng ating mga kababayan ang pagiging pakinabang nating lahat sa mga proyektong ito. Kailangan na itong gawin dahil long overdue na,” ayon kay Orbos. (Isaac Mendez)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?