161

Aug 3, 2021 @ 11:05
By

Carlo Paalam sinilat Uzbek boxer, swak sa medalya

Pinaalam ni Carlo Paalam sa mundo na isa siya sa pinakamagagaling na boksingero sa Tokyo Olympics matapos ang nakakabilib na panalo kontra sa defending champion na si Shakhabidin Zoirov ng Uzbekistan nitong Martes sa quarterfinals ng men’s flyweight division.

Matikas na first round agad ang pinamalas ni Paalam nang makuha nito ang 10-9 iskor sa lahat ng hurado.

Samantala, isang head butt ang nagdulot ng cut sa may mata ni Zoirov sa second round, dahilan para itigil ng referee ang laban at idaan sa scorecard ang mananalo.

At dahil lamang pa si Paalam sa iskor, wagi ito at papasok sa semifinals kung saan sigurado na rin ang bronze medal.

Hindi biro si Zoirov sapagkat siya ang tumatayong gold medalist sa 2016 Olympics, at siya ring Asian at World champion sa dibisyon.

Ang pagwawagi ni 23-anyos na boksingero ang nagpataas sa medal tally ng bansa, na ngayon ay apat na.

Ito na rin ang pinakamaraming medalya na iuuwi ng Pilipinas sa Olympics.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?