33
jailed1
By

Caretaker ng apartment, huli sa pagnanakaw sa boarders

Sharing is caring!

Nabisto ang ginawang pagnanakaw ng isang caretaker ng inuupahang apartment matapos mabuking sa CCTV camera na siya ang nanloob sa bahay ng kanyang mga boarder sa Barangay Plainview, Mandaluyong City kagabi.

Nahaharap sa kasong robbery ang suspek na si Bernard Tulivia y Colarde, 35-anyos, at residente ng Sto. Rosario Ext., Barangay Plainview, Mandaluyong City.

Batay sa report, dumulog sa himpilan ang Mandaluyong Police ang mga biktima na sina Mary Grace Constantino at Rose Khamil Lopez at sinabi ang ginawang pagnanakaw ng suspek sa loob ng kanilang inuupahang apartment.

Nahuli ang suspek bandang alas-9:45 ng gabi sa compound ng kanilang inuupahang bahay.

Ayon sa mga biktima, naganap ang pagnanakaw nang umuwi sila ng bahay noong Hunyo 26 bandang alas-5:30 ng hapon at nadatnan na kalat-kalat ang mga gamit sa loob ng bahay sa Unit 3C-Penthouse, Castillo Apartment, Sto. Rosario St., Barangay Plainview at napansin nila na sapilitang binuksan ang bintana subalit nanatiling nakakandado ang pintuan.

Bumungad sa kanila ang mga nagkalat na kagamitan sa loob at natuklasang nawawala ang ilang kagamitan gaya ng Samsung laptop na nagkakahalaga ng Php 40,000; isang gintong singsing (P10,000); Anello Backpack (P2,000); sapatos na Converse (P3,000); t-shirt (P1,000), at iba’t ibang grocery items (P1,500) na lahat ay nagkakahalaga ng P57,500.

Sa tulong ng CCTV ay nakilala nila ang nanloob at napag-alamang ito ay ang tagapangalaga at maintenance ng kanilang apartment.

Agad na ikinasa ang follow-up operation at naaresto ang suspek. (Vick Aquino)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?