10

May 5, 2021 @ 15:45
By

Career-high ni Lonzo bumuhat sa Pelicans

Umiskor si Lonzo Ball ng career-high 33 points, tampok ang pitong three-pointers upang pangunahan ang New Orleans Pelicans sa 108-103 panalo kontra sa Golden State Warriors nitong Miyerkules (Philippine time).

Ang huling anim na puntos ni Ball ay binuhos niya sa huling 25.3 segundo ng bakbakan, kung saan niya binaon ang isang step-back jumper at apat na free throws upang iselyo ang tagumpay ng Pelicans at iangat ang kanilang kartada sa 30-36.

Nag-ambag naman si sophomore bigman Zion Williamson ng 23 points at 12 rebounds, habang nagdagdag naman sina Eric Bledsoe at Brandon Ingram ng 14 at 13 puntos.

Si two-time MVP Stephen Curry ang nanguna sa Warriors sa kanyang 37 points, ngunit si Andrew Wiggins na lamang ang isa pang player ng Golden State na nakapagambag ng double-digit scoring sa kanyang 26 points.

Nasa ika-11 pwesto ngayon sa Western Conference ang Pelicans, at may anim na laro na lamang sa kanilang regular season schedule. Nasa ika-walong pwesto naman ang Warriors sa kanilang 33-33 kartada.

Sa ibang mga laban, dinaig ng Charlotte ang Detroit, 102-99; tinusta ng Phoenix ang Cleveland, 134-118; sinuwag ng Milwaukee ang Brooklyn, 124-118; tinambakan ng Dallas ang Miami, 127-113; pinatahimik ng Sacramento ang Oklahoma City, 103-99; at pinaamo ng LA Clippers ang Toronto, 105-100.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?