42

Mar 5, 2021 @ 23:51
By

‘Cardo Dalisay’ lilipat na sa TV5

Simula March 8 ipalalabas na sa TV5 ang ilang Primetime Bida ng ABS-CBN.

Sa inilabas na statement ng ABS-CBN nitong Biyernes, matutunghayan na sa Kapatid Network ang longest-running action-serye na “FPJ’s Ang Probinsyano” kasama ang iba pang primetime show na “Ang Sa Iyo ay Akin”, “Walang Hanggang Paalam” at “Pinoy Big Brother: Connect”.

Mapapanood ito mula Lunes (March 8) hanggang Biyernes ng 8PM hanggang 10:30PM.

Nilinaw naman ng ABS-CBN na tuloy pa rin ang pagpapalabas ng kinagigiliwan ng mga Pilipino na “Ang Probinsyano” at hindi magwawakas sa Abril 2021, gaya ng naibalita.

Mapapanood pa rin ang mga matitindi at kapana-panabik na eksena sa kuwento ng bidang si Cardo Dalisay na ginagampanan ni Coco Martin.

Huling dalawang linggo naman ng “Ang Sa Iyo ay Akin” ang dapat abangan pati na ang patuloy na tinututukan na “Walang Hanggang Paalam”.

Ipalalabas din ng TV5 ang kapana-panabik na huling linggo ng “PBB Connect” mula Lunes hanggang sa Big Night sa Linggo (March 14).

Nauna nang naglipat-bakod sa TV5 mula January 24 ang “ASAP Natin ‘To” at “FPJ: Da King” na umeere tuwing Linggo.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?