174

Jan 9, 2019 @ 14:22
By

Cardinal Tagle, ipinagtanggol ang mga deboto ng Poong Nazareno

Ano nga ba ang pagkakaiba ng deboto at panatiko?

Iyan ang ipinaliwanag ni Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle sa harap na rin ng mga pumupuna sa masidhing debosyon ng mga mananampalatayang Katoliko sa Poong Nazareno.

Sa kanyang homily sa concelebrated mass, ilang oras bago umusad ang prusisyon ng Poong Nazareno, idinepensa ni Tagle ang mga deboto.

Ayon kay Tagle, ang deboto ay nagmamahal nang wagas, habang ang panatiko ay naglilingkod lamang dahil nakukuha niya ang kanyang kailangan.

“Ang nag-uumapaw na pag-ibig ay naipapakita rin sa katapatan ng naglilingkod sa aking minamahal. Ang panatiko, kapag ‘di niya nakuha kanyang gusto, titigil na ‘yan. Ang deboto dahil nagmamahal mananatiling tapat, may nakukuha man siya o wala, basta mahal kita paglilingkuran kita at magiging tapat ako sayo,” saad ni Tagle.

Ayon sa kardinal, dahil si Hesus ang maituturing na unang deboto na bumaba mula sa langit, marapat na si Hesus din ang maging huwaran ng mga deboto ng Nazareno.

“Ang tunay na deboto ay nagmamahal. Ang dahilan ng debosyon ay pagmamahal. Mahal ko siya at dahil sa aking pag-ibig sa kanya, I will be devoted to Him. Ang panatiko hindi nagmamahal,” dagdag ni Tagle.

Ang midnight mass ay pinangunahan ni Monsignor Hernando Coronel, ang rektor ng Quiapo Church.

Si Tagle ang nagbigay ng homily.

Tumutok ang misa sa tema ng Traslacion sa taong ito — Debosyon ng Poong Hesus Nazareno, Hinirang at Pinili upang maging lingkod Niya.

Tumagal ang misa ng isa’t kalahating oras na napuno ng mga awit ng papuri at mga pagbasa sa salita ng Diyos.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?