57

By

Cardinal Quevedo nanguna sa farewell mass para sa incorrupt heart ni St. Camillus

Nagtapos sa Minor Basilica of the Immaculate Concepcion–Manila Cathedral ang Journey of the Incorrupt Heart ni Saint Camillus de Lellis sa Pilipinas.

Sa farewell mass na pinangunahan ni Cotabato Archbishop Emeritus Orlando Cardinal Quevedo, ipinaliwanag nito na ang puso ng isang tao ang sentro ng kaniyang damdamin, mga iniisip at salamin ng tunay na katauhan at kabutihang taglay ng isang tao.

Aniya, ipinakikita ng hindi naaagnas na puso ni San Camillo ang katangian ng Santo na inialay ang kanyang buhay sa Panginoon sa pamamagitan ng pangangalaga sa mga may sakit.

Umaasa rin ang Arsobispo na tutularan ng mga Filipino ang pagmamalasakit at pag-aaruga ni San Camillo sa mga naghihirap sa karamdaman.

Pinuri naman ni Father Reginald Malicdem, rector at parish priest ng Manila Cathedral ang aktibong pananampalataya ng mga kabataan sa pagbisita ng dalawang puso nina St. Camillus de Lellis at St. Padre Pio.

Ayon sa pari, ipinahihiwatig nito na lalo pang sumisigla ang pag-asa nito dahil sa mga aktibong kabataan.

“Yung mga kabataan na lumalapit, nag- venerate at kumukuha ng picture, selfie pic ay magandang pahiwatig na buhay ang pananampataya ng mga kabataan may pag-asa yung simbahan sa Pilipinas dahil sa buhay na pananampalataya ng mga kabataan,” ani pari.

Pebrero 2 nang dumating sa bansa ang Incorrupt Heart ni Saint Camillus de Lellis na mahigit 400-taon ng hindi naaagnas.

Sa loob ng dalawang buwang pagbisita ng puso ng Santo sa Pilipinas, 22 mga Diyosesis at Arkidiyosesis ang nabisita nito mula Luzon, Visayas at Mindanao.

Bukod pa ito sa pagbisita sa 29 na ospital, 15 mga parokya at 12 bahay ng mga matatanda.

Mula ika-31 ng Marso hanggang unang araw ng Abril ay nanatili pa sa St. Camillus Provincialate, Loyola Heights Quezon City ang puso ni St. Camillus upang bigyan ng sariling pagkakataon ang mga kasapi ng Ministers of the Infirm na makapagbigay galang sa puso ng Santo na nagtatag ng kongregasyon.

Dadalhin naman ang puso ni St. Camillus de Lellis sa Indonesia, bago pa ito tuluyang ibalik sa Roma.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?