1,550
Ronald Cardema
May 19, 2019 @ 21:47
By

Cardema astang congressman na kahit wala pang desisyon sa substitution case

MANILA – Tila ba astang kongresista na itong dating National Youth Comission (NYC) chairman Ronald Cardema kahit hindi pa pinapahintulutan ng COMELEC ang kanyang petisyon mara maging substitute nominee ng Duterte Youth Partylist.

Sa kanyang Facebook post, binansagan ni Cardema ang kanyang sarili ng “incoming congressman” kahit wala pang pinal na desisyon ang COMELEC en banc kung papayagan ba ang kanyang hiling na maging pangunahin nominee nito sa Kamara sa papasok na 18th Congress sa Hulyo.

Ayon kay COMELEC Director Frances Arabe, wala pang pormal na resolusyon ang en banc kung papayagan ba o hindi si Cardema na humalili bilang kinawatan ng Duterte Youth.

Nitong Sabado, nilinaw ng COMELEC sa pamamagitan ni Arabe na hindi pa diskwalipikado si Cardema bilang substitute nominee ng Duterte Youth dahil ang itinakdang ng deadline para sa filing ng petition for withdrawal at substitution ng mga partylist ay noong mismong araw ng Halalan at hindi noong Nobyembre 29, 2019.

Si Cardema ayon kay Arabe ay nagsumite ng kanyang petition for substitution sa COMELEC Law Department noong bisperas ng Halalan, Mayo 12, na taliwas sa Mayo 16 na inihayag naman ni Kabataan Partylist Rep. Sara Elago

Ayon sa partial results mula sa transparency server ng COMELEC, umabot na sa 346,314 boto ang nakuha ng Duterte Youth base sa 86,321 ng 87,851 clustered precincts at kasalukuyang nasa pang-21 pwesto sa overall standings.

Paliwanag ni Arabe, hindi lamang simpleng petisyon para sa substitution ang inihain ng kampo ni Cardema at Duterte Youth dahil ang limang orihinal na nominees nito kabilang na ang may-bahay ni Cardema na si Ducielle Marie Suarez Cardema ay nagpasyang umatras.

Samantala, iginiit ni Chief Presidential Legal Counsel at Presidential Spokesman Salvador Panelo na si Cardema ay “deemed resigned” na bilang chairman ng NYC ano pa man ang kahantungan ng kanyang inihaing petisyon base sa Omnibus Election Code.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?