39
columbian
By

Cardel bahalang magmaneho sa Dyip

Sharing is caring!

Desisyon na ni Johnedel Cardel kung pipili ng bagong staff at assistant para makatulong sa pagtimon sa Columbian Dyip.

Si Cardel na ang bagong head coach ng Dyip sa PBA, tinapik ng management ilang araw matapos magbitiw si Ricky Dandan na magko-concentrate na bilang assistant ni Bo Perasol sa UP Fighting Maroons sa UAAP.

Unang ini-report ni Nelson Beltran ng Philippine Star ang pagkakapili kay Cardel, produkto ng De La Salle at sixth pick overall ng Alaska noong 1993 draft.

Taon iyon na first pick overall ang teammate ni Cardel sa Green Archers na si Zandro Limpot sa Sta. Lucia Realtors. No. 2 si Vic Pablo (FEU) ng Ginebra, No. 3 si Johnny Abarrientos (FEU) sa Alaska, magkasunod sina Dwight Lago (DLSU) at Benny Cheng (Mapua) sa Coney Island. Pagkatapos ni Cardel ay sina Boyet Fernandez (San Agustin) sa Swift, at si Ricky Bachmann (DLSU) sa Alaska.

Isa sa mga ayudante ni Dandan sa Dyip si Cardel, kasama sina Art dela Cruz, Manu Hoque, Emerson Colina at Bert dela Rosa.

Bibigyan daw ng management si Cardel ng free hand kung paano patatakbuhin ang team, at siya rin ang dedesisyon kung huhugot ng bagong assistant o hindi na.

Pagkatapos ng 1-11 record sa Philippine Cup, 4-7 ang Columbian sa Commissioner’s Cup at nasa 9th place. May maliiit na tsansa pang humabol sa next round ng midseason conference ang Dyip, pero ‘yun ay kung matatalo sa mga susunod na laro ang Magnolia (4-5) at Phoenix (4-6).

Bago napunta ng Columbian si Cardel ay naging assistant siya ni Franz Pumaren sa GlobalPort. Hinawakan din niya ang JRU sa NCAA.

Si Manny Pacquiao ang unang coach ng prangkisa pagpasok sa PBA bilang expansion team noong 2014, at nakilala bilang KIA. Sumunod kay Pacquiao sina Glenn Capacio, Chito Victolero, Chris Gavina at si Dandan.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?