79

Aug 31, 2019 @ 15:22
By

Cara y cruz pusta shabu, 4 huli sa Pasig

Kulungan ang bagsak ng apat na lalaki dahil sa pagsusugal sa kalsada at makuhanan pa ng droga sa ikinasang follow-up operations nitong Sabado ng madaling-araw sa Barangay Pinagbuhatan, Pasig City.

Batay sa report mula sa Eastern Police District (EPD), nakilala ang mga suspek na sina Bimbo De Leon, 39, driver; Ric Rejano, 38, driver; Erickson Gatela, 38, plumber at Nelman Deleon, 37, construction worker, pawang mga residente ng nabanggit na siyudad.

Ayon sa report mula sa Police Community Precinct 8, nakatanggap sila ng tawag mula sa isang concerned citizen kaugnay sa grupo ng kalalakihan na nag-iingay habang nagsusugal ng cara y cruz sa kahabaan ng Dilang 2, Barangay Pinagbuhatan bandang alas-2:30 ng madaling-araw (Agosto 31), na kung saan ay shabu umano ang ginagawang pustahan.

Agad na nagresponde ang pulisya at dinampot ang mga suspek at nang kapkapan ay nakuha ang apat na plastic sachet na naglalaman ng shabu at P150 bet money.

Kasalukuyang nakakulong ang mga suspek sa Pasig detention cell at nahaharap sa kasong paglabag sa illegal gambling act at illegal drugs act.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?