42

Dec 8, 2017 @ 8:50
By

Car plates, sa Marso 2018 pa ipapamahagi – LTO

Isang araw matapos ipanawagan ni House Speaker Pantaleon Alvarez na magbitiw na sa pwesto dahil sa kawalang aksyon sa problema sa car plates, bumuwelta naman si Land Transportation Office Chief Edgar Galvante na sa Marso 2018 ay maipamamahagi na ang mga license plates sa mga registered vehicles.

Ayon kay Galvante ginagawa ng ahensya ang lahat ng makakaya nito para solusyunan ang kauna-unahang direktiba sa kanila ni Pangulong Rodrigo Duterte na aksyunan ang problema sa hindi pag-iisyu ng plaka ng mga sasakyan.

“LTO assures the public that the agency is doing the best it can, in compliance with existing laws and regulations, to deliver the license plates,” nakasaad sa statement na ipinalabas ng LTO.

Giit ng ahensya, may ginagawa ito para tugunan ang problema sa car plates, sa katunayan umano nang maupo si Galvante sa LTO noong July 2016 ay agad na naglaan ng P400M sa LTO 2017 budget para sa pagbili ng license car plates. Ang nasabing halaga ay dinagdagan pa umano noong Nobyembre 2016 ng P1B mula naman sa budget ng Department of Transportation.

Nito lamang nakaraang Linggo ay nagpalabas na ang LTO ng notice of award (NOA) sa nanalong bidder na siyang magsu-supply ng P978.8M halaga ng plaka na sisimulan umanong ipapamahagi sa mga registered vehicles sa Marso 2018.

Ang problema sa license plates ay nag-ugat noong 2016 nang magpalabas ang Commission on Audit ng Notice of Disallowance of the Contract para sa pagma-manufacture ng plaka na nai-award sa joint venture ng Power Plates Development at Dutch Company na Knieriem BV Goes matapos hindi magbayad ang kumpanya ng buwis at kaukulang tax at iniutos na ibalik sa kaban ng bayan ang P477M na binayad ng LTO.

Kinumpiska ng Bureau of Customs ang 700,000 vehicles license plates mula sa kumpanya at ibinigay sa LTO para ipamahagi subalit nagpalabas ang Korte Suprema ng Temporary Restraining Order sa pamamahagi nito dahil kailangan umano munang resolbahin ang kaso ng supplier.

Dahil sa nasabing alingasngas ay may 1-taon na walang plaka ang mga sasakyan. (Tina Mendoza)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?