21

Oct 12, 2021 @ 14:42
By

Candidate substitution ipagbawal—solon

Dapat umanong ipagbawal na ang candidate substitution dahil pinapababa nito ang pagtingin sa eleksyon.

Ayon kay Deputy Speaker at Cagayan de Oro City Rep. Rufus Rodriguez nababahiran din ang pagtingin ng publiko sa pagiging seryoso ng mga kandidato na naghain ng kanilang certificate of candidacies.

“It is lamentable that for the May 2022 elections, certain candidates for the presidency are perceived to be proxies for some personalities, even if they can be considered as serious aspirants,” sabi ni Rodriguez.

Sinabi ni Rodriguez na dapat payagan lamang ang pagpapalit ng kandidato kung mamamatay ito o madidiskuwalipika bago ang eleksyon.

Ang pagbabawal sa candidate switching ay magbibigay din umano ng dagdag na oras sa Commission on Elections (Comelec) sa paghahanda sa halalan.

Kahit na natapos na ang paghahain ng COC noong Oktobre 8 ay hindi pa umano tiyak kung sinu-sino ang tatakbo dahil maaari pa itong palitan hanggang Nobyembre 15.

Ipinunto ni Rodriguez na kung ipagbabawal ang candidate switching ay maaaring iurong ng Comelec ang panahon ng paghahain ng COC.

Sinabi ni Rodriguez na dapat ding ibalik ang dating patakaran kung saan dapat magbitiw sa puwesto o otomatikong tanggal sa puwesto ang mga maghahain ng COC.

“A candidate would not agree to be a proxy for a dawdling, wavering or indecisive aspirant if he would have to give up his office. The resignation requirement would apply to all levels, national or local, whether aiming for higher or lower positions,” sabi nito.

Sa ganitong paraan ay maiwasan din umano na magamit ang posisyon nito at pondo ng gobyerno para maimpluwensyahan ang resulta ng halalan.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?