By

Canada kalampagin sa itinambak nilang basura – Villar

Sharing is caring!

Hindi dapat tantanan ng Department of Foreign Affairs (DFA) ang Canada ukol sa tone-tonelada nilang basura na nabubulok sa pantalan sa Maynila at sa Subic.

Ayon kay Senator Cynthia Villar, chairman ng Senate committee on environment, kailangang kulitin ng DFA ang Canada at padalhan muli ng sulat kung kinakailangan.

Hulyo 2015 ang ikatlo at pinakahuling sulat ng DFA sa Canada para ipahakot ang kanilang ibasura.

Noong bumisita sa bansa si Canadian Prime Minister Justin Trudeau noong Nobyembre 2015 dahil dumalo sa APEC Summit, nangako ito na hahanapan ng solusyon ang basura.

Iyon muli ang pangako ni Trudeau nung dumalo sa ASEAN Summit sa bansa noong nakaraang linggo.

Sinabi nito na naalis na ang batas na nagbabawal sa kanila na tanggapin muli ang basura kapag ibinalik sa kanilang bansa pero problema umano ang gagastos dahil pribadong kumpanya ang nagtapon dito ng mahigit 100 tonelada ng human wastes at used adult diapers.

Ayon kay Villar, hindi dapat na maghintay lang ang gobyerno na matupad ang muling pangako ni Trudeau dahil posibleng hindi matupad lalo na’t sinabi nito na isyu kung sino ang gagastos sa paghakot sa basura.

“Ang yaman-yaman nilang bansa hindi nila mahahakot? Nakakadisappoint, kasi rich country sila tapos tayong mahirap na bansa pagtatapunan pa nila ng kanilang basura,” pahayag ni Villar. (Isaac Mendez)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?