194

Apr 24, 2018 @ 20:16

Camson laro lang kahit may nakagirian

Ipinagkibit-balikat lang ni Columbian Dyip forward Eric Camson ang girian nila ni Allein Maliksi ng Blackwater sa opener ng PBA Commissioner’s Cup noong Linggo sa Smart Araneta Coliseum.

Sa bukana ng fourth quarter ng 126-98 win ng Columbian, pag-angat ni Maliksi ay nadaanan ng siko niya si Ronald Tubid. Bagsak si Tubid bago binitawan ni Maliksi ang jumper.

Paglapit ng help defense ni Camson, umigkas din ang siko nito pagbaba ni Maliksi. Tinulak ni Maliksi si Camson at nagkagirian bago naawat. Parehong nabigyan ng technical ang bench ng magkatunggali.

Nakontrol daw ni Camson ang emosyon kaya hindi na lumala ang sitwasyon. Bahagi lang daw iyon ng laro.

“Hindi ko alam sa kanya, kasi wala naman kaming before na ano …” depensa ni Camson na tumapos ng 12 points sa laro. “Siguro natamaan ko siya pero bumagsak siya sa akin. Pero ‘di ko intensiyon (na sikuhin) kasi ‘di ko naman in-extend ang kamay ko. ‘Yung landing spot niya andun ako kasi bumagsak si Kuya Ronald.”

Dati na ring napalaban sa laro si Camson, nakasuntukan si Raymond Almazan ng Rain or Shine sa nag-iisang panalo ng Kia sa 11 laro sa Philippine Cup noong Jan. 20. (Vladi Eduarte)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?