77

Jul 31, 2019 @ 12:11
By

Caloy Garcia ayaw damdamin ang masakit na talo sa Game 3

Masagwa ang pagkatalo ng Rain or Shine sa San Miguel Beer sa Game 2 ng PBA Commissioner’s Cup semifinals Lunes ng gabi sa Mall of Asia Arena.

Lumamang ng 29 ang Elasto Painters, naiwan ng 23 at sumemplang 117-105.

Nang ilista ang 44-15 lead, mukhang itatabla na ng Painters sa tig-isang panalo ang best-of-five series.

Pero parang natulala ang Rain or Shine, walang naisagot nang humarabas ng 21 straight points ang Beermen.

Ang resulta ay 0-2 hole ng RoS, kapag natalo muli ngayon sa Smart Araneta Coliseum ay magbabakasyon na.

“I told the players it’s not over,” ani coach Caloy Garcia. “At least the game is over. Now we just have to look at Game 3.”

Inako ni Garcia ang sisi sa talo. Dapat daw ay tumawag siya ng timeout habang humaharabas sa second quarter ang San Miguel.

“Sabi ko nga sa kanila, it was also partly my fault. Kasi I didn’t know I can use all my timeouts in the first half,” paliwanag ng coach. “Siguro, if I was able to call timeouts earlier, maybe we can stop the run.”

Halftime na raw niya nakumpirma na puwede palang gumamit pa ng timeout.

May isa pang aspeto ng laro na nakita si Garcia na dahilan ng talo.

“Same story, turnovers,” aniya. “We were playing good until we started committing turnovers and gave them turnover points. We lost by 16 (29-13) in the turnover points.”

Nailista ang 13 sa 17 errors ng Painters sa second at third periods.

Umiskor ng 11 sa first quarter si Carl Montgomery tungo sa 24 points, may 15 rebounds pa siya sa Rain or Shine. Umayuda ng 15 markers si Rey Nambatac. May pinagsamang 25 points ang mga galing injury na sina Ed Daquioag at James Yap. (Vladi Eduarte)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?