557

Call center agent pinatay ng ka-live in sa Makati

Patay ang isang 24-anyos na call center agent sa kamay ng kanyang live-in partner sa Makati City.

Linggo ng umaga nang maiulat sa mga awtoridad ang pagkamatay ng biktimang si Khia Tongol sa loob ng bahay ng kanyang kinakasama.

Suspek sa pagpatay ang live-in partner niyang si Florentino Ordinardio III.

Lumabas sa awtopsiya ng SOCO na may foul play sa pagkamatay ng biktima.

Nakasaad sa death certificate na “asphyxia by strangulation” ang ikinamatay ni Tongol na nangangahulugan na maaaring siya ay namatay sa sakal o ‘di kaya ay dahil sa pagtatakip ng unan sa kanyang bibig.

Sa pagsusuri pa ng PNP-SOCO, lumabas din na 36 oras nang patay ang biktima nang kanila itong suriin noong Linggo ng umaga.

Duda tuloy ng mga kaanak ng biktima, maaaring Biyernes pa ng gabi ay patay na ang biktima.

Kaagad namang inaresto ang suspek sa bahay nito sa Makati.

Sa panayam, itinanggi ng suspek ang paratang laban sa kanya.

Aniya, nagising na lang siya noong Linggo ng umaga na wala nang buhay si Tongol.

Katunayan, pinakain pa raw niya noong Sabado ng gabi ang biktima.

Ayon sa pulisya, mahaharap ang suspek sa kasong murder. / MARICEL DIAZ

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?