372

By

Call center agent kalaboso matapos manghipo ng ari ng Grab driver

Sharing is caring!

Dumireto sa istasyon ng pulisya ang isang Grab driver para magreklamo matapos umano siyang hipuan sa ari ng pasahero niya ngayong Miyerkoles ng madaling-araw.

Anang driver na ayaw ipabanggit ang pangalan, may kasamang tatlong kaibigan ang suspek nang isakay niya ito sa Bonifacio Global City sa Taguig nitong alas-2:40 ng madaling-araw.

Ihahatid niya ang mga ito sa Guadalupe MRT station na kanilang drop off pero humiling ang isa niyang sakay na magpahatid sa Quezon City.

Pero pagbaba umano ng mga kaibigan nito ay hinawakan ni Christian Pagela, 22, call center agent, na residente ng Scount Bayoran, Timog Avenue, Quezon City, ang ari niya kung saan ilang beses niya itong sinaway pero hindi inalis ng huli ang kamay nito.

Sa halip na ibaba sa kanyang destinasyon, idiniretso na lang ng driver ang kanyang pasahero sa police station at nagreklamo.

Sabi ng biktima, sa tagal na niyang driver sa Grab ay ngayon lang umano siya nakaranas ng pambabastos mula sa kanyang pasahero.

Samantala, nakakulong na sa Kamuning Police Station 10 ang call center agent na humingi ng tawad sa nagawa.

Sabi nito, lasing siya dahil galing sa party at hindi niya alam ang kanyang nagawa.

Nahaharap ito ngayon sa reklamong act of lasciviousness.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?