229

By

Call center agent, hinoldap na pinatay pa ng tandem

Patay ang isang call center agent nang pagbabarilin ng isa sa dalawang lalaking magkaangkas sa motorsiklo habang naglalakad at papasok sa kanyang trabaho sa Brgy. Sto. Domingo, Quezon City.

Ayon sa Quezon City Police District, agad binawian ng buhay ang biktimang si Eugene Cabauatan, 23, tubong Piat, Cagayan at residente ng No. 766 N.S Amoranto Sr. Ave., cor. Sto. Domingo St., Brgy. Sto. Domingo habang nakatakas naman ang mga hindi pa kilalang suspek, na inilarawang kapwa nakasuot ng jacket.

Sa inisyal na imbestigasyon, alas-7:45 ng gabi ng Abril 12, papasok pa lamang sa trabaho ang biktima at habang naglalakad sa harapan ng Ramirez Building, sa Quezon Avenue, malapit sa kanto ng Araneta Avenue, bigla siyang dinikitan ng mga suspek.

Ayon sa nakasaking si Ejay Cabanag, dadalo umano siya sa praktis ng pagsasayaw nang makita niya ang mga suspek na dinikitan at mabilis na hinablot ang sling bag ng biktima.

Tila hindi pa umano nasiyahan ay binalikan pa ang biktima at sunud-sunod na pinaputukan ng baril ng backrider sa ulo at iba’t ibang bahagi ng katawan bago tumakas patungo sa direksiyon ng Welcome Rotonda.

Narekober ng mga pulis sa crime scene ang tatlong basyo ng bala ng kalibre .45 na baril, isang deformed slug, isang itim na facemask, isang sling bag, gayundin ang cellphone, company ID, at jacket ng biktima.

Nagsasagawa na ng imbestigasyon ang pulisya upang matukoy ang motibo sa krimen kung sino ang may kagagawan nito.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?