238

Jan 23, 2018 @ 12:27
By

Calida umapela sa CA: Ipaaresto n’yo si Reyes

Pinababawi ng Office of the Solicitor General sa Court of Appeals (CA) ang utos na nagpapalaya kay dating Palawan Gov. Joel Reyes na tinuturong utak sa kaso ng pagpaslang sa broadcaster at environmentalist na si Doc Gerry Ortega noong 2011.

Naghain ng motion for reconsideration si Solicitor General (SolGen) Jose Calida na humihiling na muling ipadakip si Reyes dahil nagkamali ang CA Special Former 11th Division na ideklarang walang direktang ebidensiya na tumutukoy sa dating gobernador na nagpapatay kay Doc Ortega.

Ayon sa SolGen, hindi isinasaalang-alang ng appellate court ang kautusan ng Korte Suprema noong 2016 kaugnay sa kaso na sinakop na ng trial court at mayroon nang determinasyon ng probable cause.

Sabi sa mosyon ni Calida, ipinag-utos ng Kataas-taasang Hukuman na ipagpatuloy na ng mababang husgado ang paglilitis sa kasong murder na kinakaharap ni Reyes at iba pang sinasangkot sa pagpatay kay Doc Gerry.

Matatandaang sa 3-2, idineklara ng CA Special Division na maliban sa testimonya ng isang Rodolfo Edrad, Jr., alyas Bumar, dating bodyguard ni Reyes, ay walang ebidensiya na nagpapatunay na inutos ng dating gobernador ang pagpaslang kay Doc. Gerry.

Noong Enero 24, 2011, si Doc Gerry ay pinagbabaril at napaslang ng mga salarin habang namimili sa isang ukay-ukay sa Puerto Princesa.

Sinasabing motibo sa krimen ang patahimikin ang broadcaster dahil sa paglalantad niya ng maling paggamit ng Palawan government sa share nito sa kita mula sa operasyon ng Malampaya natural gas plant sa lalawigan. (Rick Villanueva)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?