67
abante-tnt-vismin-calida-garbin
By

Calida, hinamong idetalye ang security contract sa gobyerno

Ipinasasapubliko ni Ako Bicol Rep. Alfredo Garbin kay Solicitor General Jose Calida ang detalye ng pagmamay-ari nito sa Vigilant Investigative and Security Agency Inc. (VISAI).

Ayon kay Garbin, dapat ding ilantad ni Calida ang mga security contract na nakuha nito sa iba’t ibang tanggapan ng gobyerno.

Paliwanag ng kongresista, kailangang gawin ito ng SolGen dahil bilang pangunahing abogado ng gobyerno ay dapat na malinis ito sa pagharap sa korte at pagkatawan sa pamahalaan.

Sa ganitong paraan ay magiging patas aniya si Calida sa publiko at lalo na sa tanggapan ng OSG.

“He who comes to court must come with clean hands. Ibuyangyang na niya ang lahat ng dokumento sa pagmamay-ari niya doon (VISAI),” sabi ni Garbin.

Sinabi naman ni ABS Partylist Rep. Eugene Michael de Vera na puwedeng sibakin ni Pangulong Rodrigo Duterte si Calida dahil ito ay isa sa appointee.

Pero mas mabuti aniya kung ang Office of the Ombudsman ang mag-imbestiga sa opisyal dahil ang anti-graft body ang may hurisdiksiyon sa SolGen.

Dagdag ni De Vera, dapat mag-hands off na ang Department of Justice sa isyu kay Calida dahil labas ito sa hurisdiksiyon ng ahensya.

Pero kung si House Minority Leader Danilo Suarez ang tatanungin, dapat daw habaan ng publiko ang pasensiya sa ganitong mga isyu at palampasin na lamang ang kontrobersiya kay Calida.

“Dapat habaan naman natin ang ating pasensiya. Pagpasensiyahan na lang natin ang ganitong issue,” ani Suarez.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?