100

Jan 9, 2020 @ 14:30

Calamity loan ng SSS sa Bicol kasado na

Maaari nang umutang ang mga miyembro ng Social Security System (SSS) sa Bicol na nabiktima ng Bagyong “Tisoy,” sa ilalim ng Calamity Assistance Package nito.

Sabi ng SSS ngayong Huwebes, Enero 9, ang mga SSS member sa Naga City, Albay, Camarines Sur, Catanduanes, Masbate, at Sorsogon ay maaring kumuha ng clamity loan o direct house repair and improvement loan. Ang mga SSS pensioner naman sa mga naturang lugar ay maaring mag-advance nang tatlong buwang pension hanggang Marso 19, 2020 bilang calamity loan.

Ayon kay SSS president and CEO Aurora Ignacio, dineklara na kasing nasa State of Calamity ang mga naturang lugar dahil sa Tisoy kaya maari nang kumuha ng calamity loan ang mga SSS member at pensioner na taga-Bicol.

Sabi ni Ignacio, handa na ang SSS na tanggapin ang mga aplikasyon para rito.

“I know that most of our members and pensioners in Bicol have been waiting for this good news and we’re glad to inform everyone that SSS is now ready to extend our financial assistance to them especially that they were directly affected by the said typhoon,” ani Ignacio.

Ang calamity loan ay nabibigay lamang sa mga miyembrong nasa lugar na dineklarang nasa state of calamity.

Ang iba pang mga lugar na nasa State of Calamity ay ang Batangas City, ang bayan ng Mabitac sa Laguna, ang mga bayan ng Corcuera at San Fernando sa Romblon at ang mga lalawigan ng Quezon, Cavite, Oriental Mindoro, Occidental Mindoro, Marinduque, at Northern Samar.

Ang Calamity Assistance Program ay pautang na hiwalay pa sa regular na salary loan. Maaring umutang ang mga miyembro nang hanggang P20,000 sa window na ito, depende sa credit ng miyembro sa nakalipas na 12 buwan. Bukas din ito sa mga pensioner para makapag-advance ng tatlong buwang pension. Pwede ring mag-apply ang mga miyembro ng direct housing repair and improvement ‘pag naideklarang nasa state of calamity ang kanilang lugar.

Ang calamity loan ay babayaran buwan-buwan sa loob ng dalawang taon at may interes ito na 10%. Papatawan ng penalty na one percent ang mga late payment. Sabi ng SSS, iwe-waive na nito ang 1% service fee.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?