237

Jul 21, 2021 @ 19:50
By

Cagayan de Oro mayor pinagtanggol mag-amang Pimentel

Hindi sang-ayon si Cagayan de Oro City Mayor Oscar Moreno sa naging pahayag ni Pangulong Rodrigo Duterte na hindi kinikilala ang mga Pimentel sa lungsod bilang mga politiko.

Sa press briefing sa Malacañang, sinabi ni Moreno na maituturing na bahagi na ng political season ang banat ni Pangulong Duterte kay Senador Koko Pimentel kaya lang aniya ay idinamay nito si dating Senate President Aquilino Pimentel Jr.

Wala aniyang kaso kung si Senador Koko lang ang tinira ng Presidente pero masakit isipin na idinamay pa nito ang dating Senate President sa banat nito.

“I would view the statement of the President as political season na. Iyon lang, medyo masakit lang na dinamay si Nene ‘no. Noong sabihin niya kay Senator Koko, OK lang iyan, that’s fair game, pero kay Senator Nene, medyo masakit,” ani Moreno.

Kilala aniya ng mga tao sa Cagayan de Oro kung ano ang pagkatao ni dating Senador Nene kaya umaasa itong hindi sinadya ng Pangulo ang mga batikos nito.

Mahal aniya ng mga tao ang dating Senate President at bahala si Senador Koko na sumagot at dumepensa sa mga sinabi laban sa kanya ni Pangulong Duterte.

“So I’m sure the President did not mean that, siguro kay Senator Koko, I would say Senator Koko can defend himself but not in the case of Senator Nene. But we know deep in our hearts how we love Senator Nene,” dagdag ni Moreno.

Matatandaang noong July 17, 2021 ay binatikos ng Pangulo si Senador Koko sa national assembly ng PDP-Laban sa Clark, Pampanga at sinabing hindi kilala ang mga Pimentel sa Cagayan de Oro at kahit tumakbo sa barangay ang senador ay hindi ito mananalo.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?