11

By

CA: Di dapat maging state witness ang 3 akusado sa Maguindanao massacre case

Sharing is caring!

Pinagtibay ng Court of Appeals (CA) ang desisyon nito noong May 2015 na huwag pahintulutan na maging state witness ang tatlo sa mga akusado sa kaso ng Maguindanao Massacre.

Ito ay batay sa anim na pahinang resolusyon ng CA Former Special Thirteenth Division na may petsang July 10, 2018 at isinulat ni Associate Justice Ramon Cruz.

Ayon sa appellate court, wala pa silang nakikitang pangangailangan para gawing state witness sa krimen sina Police Inspector Rex Ariel Diongon, PO1 Rainier Ebus at Mohammad Sangki.

Hindi umano maaring isantabi ng CA ang mga basehan ni Quezon City Regional Trial Court Branch 221 Judge Jocelyn Solis-Reyes sa pagbasura sa unang mosyon ng prosekusyon para gawing state witness ang tatlong akusado.

Kabilang sa mga tinukoy na basehan ng mababang korte ay dahil ang testimonya ng tatlo ay kapareho lamang naman ng testimonya ng mga testigong sina Rasul Sangki, Norodin Zailon Mauyag, Akmad Abubakar Esmael at Lakmodin Saliao.

May iba pa rin namang testigo ang prosekusyon na maaring magbigay ng testimonya sa naganap na krimen at sa partisipasyon ng ibang akusado na binanggit ng tatlong nais ng prosekusyon na maging state witness.

Gayunman, nilinaw ng CA na maari pa rin namang makunsidera muli ang pag-discharge sa tatlong akusado bilang state witness kapag naiprisinta nang lahat ng prosekusyon ang kanilang mga testigo at makita na may pangangailangan ng kanilang testimonya.

Tinukoy pa ng CA na wala namang bagong argumento na iprinisinta ang prosekusyon sa kanilang motion for reconsideration kaya walang dahilan para baligtarin ang kanilang desisyon noong May 2015.

“The arguments raised by petitioner in its motion have already been judiciously considered before we rendered our judgment, as these were among the issues presented in their petition. The motion has not raised any new substantial legitimate ground or reason which would warrant a modification, much less, a reversal of our decision,” ang nakasaad sa resolusyon. /

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?