163

Dec 15, 2017 @ 10:03

Buwis sa pag-aari ng namatay

By Sen. Ralph Recto

Hindi lang problema ng mga buhay ang tinutugunan ng tax reform bill ng gobyerno kundi pati problema din ng mga patay.

Kung dati ay parang ‘double dead’ ang inaabot ng pamilyang namata­yan dahil sa rekisitos at ­taas ng estate tax, ngayon ay pwede nang humimlay nang nakangiti ang kanilang yumaong mahal sa buhay.

Dahil sa napakaraming requirements at papeles na dapat ihanda ang pamil­yang naulila ay bilyon-bil­yon na mga ari-arian ang nakatiwangwang ngayon dahil lamang hindi naayos ang estate tax ng namatay.

Ito ay dahil walang pera ang namatayan upang ipambayad na buwis o hindi lang nila kapado ang batas.

Nagkaisa ang Kamara at Senado na pumapanday ng panukalang TRAIN na tagpasin ang sandamukal na rekisitos ukol sa pagbabayad ng estate tax.

Sa ilalim ng napagkasunduan sa bicame­ral panel na malamang ay pirmahan rin ni Presidente Duterte ay 6% na flat tax na lamang ang buwis sa estate tax.

Nilansag nito ang nakahihilong six tiers estate tax sa kasalukuyan.

Sa ngayon, ang pag-aari o assets na P10 milyon ay may buwis na P1.25 milyon at dagdag na 20% tax kapag lagpas ng P10 milyon.

Sa assets o bahay na may halagang P2 milyon-P5 milyon, ang estate tax ay P135,000 at dagdag na 11% kapag lumampas na.

Dahil dito, marami nang hindi nakakapagba­yad, kaya ang pag-aari kung nakatiwangwang, ay hindi na ililipat ang titulo. Hindi rin naiuutang sa bangko. ­Hindi nade-develop.

Dahil nga kumplikado ang pagbabayad ng estate tax, walo sa 100 na namatayan lamang ang nakapagbabayad ng buwis.

Sa ilalim ng bagong batas, ang family house o asset na naiwan ng yumao na may halaga na P10 milyon ay exempted na sa estate tax mula sa dating cut off na P1 milyon.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?