21

Jul 6, 2020 @ 17:03
By

Buwis ng mga ‘work from home’ tapyasan – Tolentino

Plano ni Senador Francis Tolentino na ipanukala na ang karagdadang gastos na nakukuha ng mga “work from home” employee, partikular ang konsumo sa kuryente, ay ikonsidera bilang deductible payment sa tax payment.

Iginiit ang senador ang panukala sa pagdinig ng Senate committee on energy sa electric power industry sa gitna ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) pandemic.

“Ito pong ginastos ng ating mga nagtatrabaho sa bahay, puwedeng ikarga bilang deductible expense sa pagbabayad ng buwis dahil po nabawasan ang gastos ng kanilang pinapasukan,” sabi ni Tolentino.

“Hindi na sila nagtatrabaho doon sa opisina nila, hindi kumokonsumo ng aircon at kuryente. Dahil nagtatrabaho sila sa bahay, nadagdagan ang kanilang gastusin sa kuryente,” dagdag pa nito.

Ayon kay Tolentino, balak nila ni Senador Sherwin Gatchalian na maghain ng panukala para amiyendahan ang National Internal Revenue Code na magbibigay ng rasonableng pagbawas sa gross income ng sinumang taxpayer na may natamong dagdag na konsumo sa kuryente habang nagtatrabaho sa bahay.

“Because he was able to produce something for the government office or for a private employer, he is entitled to some tax relief,” sabi ni Tolentino.

Samantala, hiniling naman nito sa Meralco na gawing malinaw at simple ang paliwanag tungkol sa monthly billing ng kanilang mga konsumer.

“Napakahaba ng paliwanag ng Meralco, kahit ako hindi ko maintindihan. Nakadagdag pa sa kalituhan iyong kanilang advertisement sa diyaryo,” ayon kay Tolentino.

“Hindi ba kayang gawing simple ang paliwanag ng Meralco para mas maintindihan ng tao ang kailangan nilang bayaran,” dagdag pa nito.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?