131

Oct 6, 2017 @ 18:04

Buwis buhay sa NE quarrying

PALAYAN CITY, Nueva Ecija — Sinisisi ng mga residente sa Brgy. Sapang Buho ang walang habas na quarrying sa bahagi ng Pampanga River sa pagkasira ng kanilang lugar at pagbubuwis ng buhay ng mga nalulunod sa ilog.

Ayon kay Nelson Velasquez, 40, hindi na sila makapaligo at makapaglaba sa ilog dahil may mga lugar na biglang lalim sanhi ng nahukay sa paghahakot ng buhangin

Noong nakaraang Lunes ng hapon ay naulat ang pagkalunod ni Pampilo Bano Castro, 45, ice cream vendor, residente ng Brgy. San Roque, Bongabon, Nueva Ecija.

Noong  Setyembre 9, taong kasalukuyan iniulat ni P/Chief Inspector Arnel Santiago ang pagkamatay sa pagkakalunod sa lugar ng magpinsang sina Vanna Kylle Mayo Pascua, 12 at Crystel Ann Nadora Pascua, 9, kapwa residente ng Purok Silangan, Brgy. Lusok, Bongabon, Nueva Ecija.

Naliligo umano ang dalawang paslit habang naghuhugas ng AL Trans Bus si  Alfredo Reyes Pascua, 44, at nagpipiknik ang ibang kaanak sa lugar, noong mapadpad sa malalim na hukay ang mga ito.

Lumalim na umano ang ilog dahil sa pagka-quarry, ayon kay Lita Domingo, 71 anyos na residente sa lugar mula 1963.

Nabatid ng Abante na pinahintulutan umano ng pinuno ng barangay ang pagkuha ng mga trak ng buhangin sa lugar para umano sa “desilting purposes”.

Nilinaw naman ni Willy Pangilinan ng ENRO- Nueva Ecija na walang nag-apply ng quarry permit sa lugar.(Jojo de Guzman)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?