12

Jul 19, 2021 @ 19:17

Butch palalakasin loob mga pambato ng ‘Pinas

“NASA likod n’yo kami.”

Ito ang sinigurado ni Philippine Sports Commission (PSC) chairman William “Butch” Ramirez bilang suporta sa 19 atleta na sasabak sa 2020 Tokyo Olympics.

Buo ang suporta ni Ramirez at ng PSC, hindi lang sa pagpondo sa mga training ng mga atleta, tutungo pa ito sa Japan upang siya mismo ang makasaksi sa unang gintong medalya na mahahablot ng Pilipinas sa quadrennial meet na sasambulat Hulyo 23 hanggang Agosto 8.

Ayon kay Ramirez, kahit delikado ang bumiyahe dahil mapanganib ang coronavirus (COVID-19) lalo na sa kanyang edad ay kailangan nitong gawin upang ipakita ang suporta sa magigiting na atleta ng Pilipinas.

“May hawak ako ng schedule ng laban nila, lahat sila ay pupuntahan ko sa laban nila para mabigyan ko sila ng pep talk,” saad ni Ramirez sa naganap na online briefing kahapon.

Naniniwala si Ramirez na malaki ang tsansa ng mga atleta na makasungkit ng gintong medalya dahil ibibigay nila ang lahat ng makakaya para manalo.

“This is the most prepared athletes, strongest for me since ang atleta noon sariling funding ‘yan,” hayag ni Ramirez.

Ang mga sasalang sa Ssummer gAmes ay sina gymnast Carlos Yulo, rower Cris Nievarez, pole vaulter Ernest John Obiena, judo Fil-Japanese Kiyome Watanabe, golfers Yuka Saso, Bianca Pagdanganan at Juvic Pagunsan, taekwondo jin Kurt Barbosa, skateboarder Margielyn Didal, shooter Jayson Valdez, sprinter Kristina Knott, weightlifters Hidilyn Diaz at Elreen Ando at boxers Eumir Marcial, Irish Magno, Nesthy Petecio at Carlo Paalam. (Elech Dawa)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?