198

Mar 19, 2020 @ 13:02
By

Bus ng OWWA, hinarang sa Laguna

Hinarang ang mga pulis at mga medical personnel na nagmamando sa isang checkpoint ang isang bus na may mga sakay na mga balikbayan sa Cabuyao City, Laguna, Miyerkoles ng hapon.

Nagulat ang mga nasa checkpoint nang lumabas buhat sa SLEX Cabuyao exit ang bus na may karatulang OWWA.

Agad itong hinarang at bumaba naman ang isang nagpakilalang empleyado ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA).

Ayon dito, galing sa airport ang bus at may sakay na dalawang galing abroad at ang ibang sakay ay mga papaalis sana na hindi umano natuloy ang flight.

Subalit nang akyatin ng mga awtoridad, natuklasan na ang 12 sakay ay panay galing sa ibang bansa.

Ang mga ito ay mula sa mga bansang – Taiwan -2 , Japan-1, Qatar – 2 ,Thailand-1 , Hongkong-1, Dubai-3, Bahrain-2, Macau-1, at papauwi sa kani-kanilang bayan sa Cabuyao, Los Baños, Lucena City, at ilang bahagi ng Batangas.

Ang mga ito ay point to point na inihahatid ng mga taga-OWWA sa mga designated area kung saan susunduin naman umano ang mga ito ng kanilang mga kaanak.

Pinigil muna ang bus at isa-isa munang kinuha ang record ng mga pasahero at ang kanilang eksaktong mga address at mga destinasyon.

Kinuhanan din ng mga temperature ang mga pasahero at tiniyak na walang may sintomas sa mga ito ng COVID-19.

Nasermunan din ng mga pulis ang mga kasamang taga-OWWA dahil sa pagisinungaling ng mga ito at pagbibiyahe ng walang koordinasyon sa mga awtoridad.

Katwiran ng mga taga-OWWA, nalito lang daw sila kaya nasabi na dalawa lang sa mga sakay ang galing sa abroad.

Pinayagan ding makapaglakbay ang bus matapos na ito at ang mga sakay ay dumaan sa matinding proseso.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?