164

Dec 20, 2017 @ 14:02
By

Burol ng napatay na pulis sa drug ops, binisita ni Duterte

Personal na nakiramay si Pangulong Rodrigo Duterte sa burol ng pulis na napatay sa anti-drug operations sa Pasig City.

Ipinaabot ng Pangulo sa biyuda ni Police Officer 3 Wilfredo Gueta ang pakikiramay nitong Miyerkules sa Peñaflor Compound, Maybunga, Pasig City.

Nag-abot ng tulong pinansiyal ang Presidente sa pamilya at ginawaran ng Order of Lapu-Lapu na may ranggong Kalasag ang napatay na si PO3 Gueta.

Sinabi ng Pangulo na ang pagbisita niya sa burol ni Gueta ay upang ipakita ang matinding galit nito sa iligal na droga at muling nagbantang papatayin ang lahat ng sangkot dito.

“I’m here to show to the people na galit ako sa droga, na kung hindi talaga kayo maghinto, mamamatay talaga kayo!” anang Pangulo.

Binisita rin ng Presidente ang sugatang kasama ni Gueta na si PO1 Raymond dela Cruz.

Nag-alok din ang Pangulo ng P500,000 sa barangay chairman ng Maybunga, Pasig na si Arnold Alvarez kapalit ng impormasyon at mga pangalan ng mga sangkot sa droga sa kanyang nasasakupan.

“O sige, bigyan n’yo ako ng impormasyon, babayad ako ng P500,000. Ibigay ko doon sinong gusto ninyo, sa barangay captain ninyo. Bigyan mo ako ng pangalan, bayad ako bukas five hundred thousand, walang lokohan,” dagdag pa ni Pangulong Duterte. (Aileen Taliping)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?