99
tattooed-man
Apr 25, 2018 @ 18:34
By

‘Burdado’ binurdahan ng saksak

Binurdahan ng saksak sa katawan ang isang alyas ‘Burdado’ matapos na umanoy magwala at manghalihaw ng kahoy sa Quezon City, kamakalawa ng hapon.

Kinilala ni P/Supt. Rodelio B. Marcelo, hepe ng Criminal Investigation and Detection Unit (CIDU) ng Quezon City Police District (QCPD) ang biktima na nakilala lamang sa alyas ‘Burdado’, residente ng Dumalay St., Novaliches.

Hindi na umabot ng buhay sa Novaliches District Hospital ang biktima sanhi ng tinamong maraming saksak sa katawan.

Agad namang naaresto ni PO1 John Nunez ang papatakas na sanang suspek na nakilalang si John Rey Inso Morsula, 29-anyos, walang trabaho at residente ng No. 27 Saint Vincent St., Brgy. Holy Spirit, QC.

Nakumpiska sa suspek ang kutsilyo na may habang 12 inches na ginamit nito sa pamamaslang.

Sa inisyal na imbestigasyon ni PO3 Virgilio Mendoza, ng CIDU-QCPD, ang insidente ay naganap dakong alas-4:30 ng hapon (Abril 24) sa harap ng Robinson na matatagpuan sa Dumalay St., Brgy. Sta Monica ng nasabing lungsod.

Batay sa pahayag ng nakasaksing Alimudin Datu, nagbebenta siya ng casing ng jelly cellphone nang makita niya ang biktima na may hawak na kahoy habang hinahabol ng suspek.

Nang maabutan ng suspek ang biktima ay sinaksak na niya ito nang ilang ulit at nang duguang bumagsak ay nagtangka pang tumakas ang una subalit agad siyang nakorner ni PO1 Nunez.

Agad na isinugod sa ospital ang biktima subalit binawian din ito ng buhay.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?