18

Aug 26, 2020 @ 18:57
By

Buong puwersa ng PNP sa Jolo, Sulu sibakin – Hontiveros

Dapat umanong tanggalin ang buong puwersa ng Philippine National Police (PNP) sa Jolo, Sulu kasunod ng pagpatay sa apat na Army officer noong Hunyo at ang kambal na pagsabog naman noong Lunes sa ikinasawi ng 15 katao, ayon kay Senadora Risa Hontiveros.

“Hinihingi ko po sa pamunuan ng PNP: relieve the entire Jolo police force. Para matanggal ang agam-agam na may infiltration ng terrorista, para mapanatag ang loob ng mga Pilipino, para bigyan ng freehand ang imbestigasyon, the entire Jolo police force must be relieved,” pahayag ng senadora sa kanyang privilege speech.

“Kung ang tanong lang pagkatapos ng June 29 ay ‘ano ang tinatago ng kapulisan at bakit parang may cover-up?’ ngayon, pagkatapos ng pagbomba sa Jolo, ang tanong na ay ‘mayroon bang military intelligence na napunta na sa kamay ng kalaban?'” dagdag pa nito.

Nangyari ang kambal na pagsabog halos isang buwan matapos paslangin ang apat na sundalo ng mga puwersa ng pulis sa Jolo noong Hunyo 29.

Ayon kay Hontiveros, dapat magkaroon ng ‘full investigation’ na walang cover-up sa dalawang insidente ng pagsabog sa Jolo.

“Ano ang kinalaman ng pagbomba sa Jolo nitong August 24, sa pagpatay sa mga sundalo noong June 29? Did some policemen put Jolo and our nation at greater risk when they not only interfered with Army intelligence operations, but also killed our operatives?” ani Hontiveros.

“Deretsahang tanong: Did terrorist elements somehow influence, directly or indirectly, the killing of these soldiers?,” dagdag pa nito.

Sabi pa ni Hontiveros, kailangang matukoy kung ang nangyaring pagsabog sa Jolo ay may kaugnayan sa pagkamatay ng apat na Army intelligence operatives na pinaslang ng mga miyembro ng kapulisan doon.

Ang mga Army operative ay tinutugis ang dalawang suicide bomber na siyang nasa likod ng kambal na pagsabog sa Jolo.

Ito’y matapos ibunyag ni Western Mindanao Command chief Lt. Gen. Corleto Vinluan sa Senado na maaaring may conspiracy o sabwatan ang mga pulis sa Sulu at mga terorista. (Dindo Matining)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?