Inanunsyo ni Pangulong Rodrigo Duterte nitong Lunes, Marso 16 ang “enhanced community quarantine” sa buong Luzon para maawat ang pagkalat ng coronavirus disease (COVID-19).
Ang anunsiyo ay ginawa ng Pangulo matapos pulungin ang Inter-Agency Task Force for Emerging Infectious Diseases sa Malacañang sa harap ng umiiral na community quarantine sa Metro Manila.
Sa ilalim ng enhanced community quarantine, lahat ng tao ay mananatili sa kani-kanilang bahay, walang paggalaw at transportasyon, maliban sa frontline health workers, mga authorized government officials, medical humanitarian reasons gayundin sa transport ng mga pangunahing pangangailangan.
Dalawang araw pa lamang na naipapatupad ang community quarantine sa Metro Manila.
Batay sa paliwanag ni Panelo, ang mga pagkain at pangunahing pangangailangan ay ihahatid sa mga bahay-bahay sa pamamagitan ng mga lokal na opisyal.
Magkakaroon din ng mas pinaigting na presensiya ng mga pulis at sundalo sa mga lugar na naka-quarantine para matiyak na sinusunod ang mga panuntunan.
“When you say there is quarantine in your homes, it means you don’t need to travel. You don’t need transportation for that except only for medical and humanitarian reasons. Food and essential needs will be delivered in homes care of the respective LGUs. There will be heightened presence of uniformed personnel in quarantined areas to ensure compliance,” ani Panelo.
Dahil kailangang manatili sa mga tahanan, suspendido aniya ang mga trabaho sa pribadong sektor habang maglalagay ng skeletal force sa mga tanggapan ng gobyerno.
Binigyang-diin ni Panelo na bubuo ng sistema ang local government units (LGUs) para sa paghahatid ng pagkain sa kanilang mga constituent.
Ang enhanced community qarantine ay magiging epektibo agad.
Iginiit ni Panelo na pinalawig lamang ng Pangulo ang community quarantine mula sa dating sakop na Metro Manila at ngayon ay buong Luzon para makasiguro sa kaligtasan ng mamamayan laban sa COVID-19.