620

Sep 22, 2018 @ 16:35
By

Buntis na salisi, abot ang kabuwanan sa loob ng rehas

Posibleng sa kulungan na magsilang ang isang buntis matapos mabuking ang ginagawang pananalisi kasama ang alalay nito na nakita sa CCTV ang ginagawang paninikwat ng mga paninda sa loob ng computer shop at ilang stalls sa Greenhills Shopping Center sa San Juan City.

Batay sa report na isinumite kay Eastern Police District (EPD) Director Chief Supt. Bernabe M Balba ni San Juan Police C/Senior Supt. Dindo R Reyes, kapwa taga-Tondo, ang dalawang suspek na sina Diana Rose Neri Romero, 30-anyos, nakatakdang magsilang ngayong buwan, residente ng 710 Fajardo St., Barangay 58 at Tristan Herrera, 32-anyos, ng 118 Moderna St. in Barangay 39, Tondo, Manila.

Ayon kay Chief Insp. Edgar Escreza, hepe ng Police Community Precint (PCP-1), dinala sa kanilang tanggapan ang dalawang suspek matapos mahuling nananalisi ng mga paninda sa loob ng Greenhills shopping center.

Nahuli ang dalawang suspek bandang alas-11:20 Sabado ng umaga (Setyembre 22) nang mabuking ng security guard na si Jayson Nalayog, ng Sascor Armor Security Agency na nangungulimbat ang suspek sa loob ng Virra Mall sa Greenhills.

Ayon sa sekyu na si Nalayog, nagpapanggap na bibili ng computer ang buntis na suspek at kapag nakalingat na ang sales clerk sa kanyang itinuturo na bibilhin ay dali-dali namang kukuha sa istante ang mga suspek at agad na ipapasok sa kanilang bag.

Sinabi naman ng sales staff na si Jehan Nazareth, nawawala ang dalawang piraso ng external hard drive na nagkakahalaga ng P9,000 dahil nakita niya na nakabukas ang istante.

Agad na sinuri ng mga staff ang nakakabit na closed-circuit television (CCTV) camera footages at doon na nakita ang paninikwat ng buntis na suspek habang hinaharangan siya ng kanyang kasabwat.

Ipinagbigay alam agad nila sa security officer ng mall ang pangyayari at agad na hinanap ang mga suspek na papatakas na sana.

Nabatid na sangkot din ang dalawa sa iba’t ibang serye ng nakawan sa loob ng mall sa Greenhills at ilang mall sa labas ng San Juan kabilang na ang Robinson’s Mall sa Ortigas at Star Mall sa Mandaluyong City.

Kasalukuyang nakakulong ang dalawa sa San Juan Police detention cell habang inihahanda ang kasong theft sa Prosecutors Office. ()

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?