88

Dec 6, 2017 @ 10:11
By

Buntis na pulis na naturukan ng ‘Dengvaxia’, naalarma

Nababahala ngayon ang isang buntis na policewoman na nakatalaga sa Quezon City Police District (QCPD) na kabilang sa mahigit 1,000 pulis na nagpabakuna ng ‘Dengvaxia’ kamakailan sa Camp Karingal sa Quezon City.

Tumangging magpakilala ang policewoman, na dalawang buwang buntis pero nagpahayag ito nang pagkaalarma sa kanyang kalusugan, maging sa sanggol na dinadala niya sa sinapupunan. Dasal na lamang niya ay huwag sana itong makaapekto sa kanilang mag-ina.

Kaugnay nito, pupulungin naman ng QCPD Health Service ang mahigit sa isang libong pulis at kanilang pamilya na naturukan ng Dengvaxia.

Sinabi naman Chief Insp. Josephine Nandu ng QCPD health service, upang mapawi ang pagkabahala ay nagtakda na siya na pulungin ang lahat ng kagawad ng pulisya sa Quezon City at kanilang pamilya na una ng sumailalim sa libreng bakuna.

Nabatid na may kabuuang 1,332 na pulis at kanilang pamilya ang sumailalim sa ‘free dengue shots’ na Dengvaxia noong September.

Ang Dengvaxia ay gawa ng Sanofi Pasteur na kauna-unahang dengue vaccine sa buong mundo, sinasabing ligtas at nakapagbibigay ng proteksyon kung ituturok sa mga taong dati nang dinapuan ng dengue, ngunit maaari namang magdulot ng mas malalang dengue infection kung ibibigay sa mga taong hindi pa tinamaan ng naturang sakit.

Una na ring ipinag-utos ng DOH na itigil ang programang pagbibigay ng dengue vaccine kasunod ng inilabas na bagong analysis ng Sanofi Pasteur sa Dengvaxia. (Dolly B. Cabreza)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?