110

Dec 20, 2017 @ 14:41
By

Bumili ng ulam, retired cop niratrat

Blangko pa rin ang pulisya kaugnay sa pagkamatay ng isang nagretirong pulis matapos pagbabarilin ng hindi pa nakikilalang suspek kamakalawa ng gabi sa Antipolo City.

Nakilala ang pulis na si retired Senior Supt. Ruel Latade Pama, 59-anyos, dating hepe ng Internal Affairs Service ng National Capital Region Police Office (NCRPO).

Batay sa report, pauwi na ang biktima kasama ang ilang kaanak nang mapadaan sa isang tindahan upang bumili ng ulam sa Barangay Mayamot bandang alas-siyete Martes ng gabi.

Ayon sa nakasaksi sa krimen, nakabili na si Pama ng pagkain at pabalik na sa kanyang sasakyan nang paulanan ng bala ng isang hindi pa nakikilalang suspek na lulan ng motorsiklo.

Nagtamo ng tatlong tama ng bala ng baril sa iba’t ibang bahagi ng katawan si Pama na agad nitong ikinasawi habang narekober ng pulisya ang apat na basyo ng 9mm pistol sa lugar ng pinangyarihan.

Kasalukuyang nagsasagawa ng imbestigasyon ang Rizal PNP upang matukoy ang sanhi ng krimen.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?