75

Oct 21, 2017 @ 13:29

Bumili lang ng agahan, bahay ng negosyante nilooban

Sa loob lamang ng mahigit dalawang minuto ay nanakawan na ang nakakandado na bahay ng isang babaeng negosyante ng hindi pa nakikilalang kawatan matapos na bumili lamang sandali ng agahan ang una sa lungsod ng Navotas kahapon ng madaling-araw.

Ganap na alas-5:46 ng madaling-araw nang maganap ang insidente sa bahay ng biktimang si Brenda Jimenez, 46-anyos, negosyante at residente ng Gov. Pascual St., Barangay San Jose, ng nasabing lungsod.

Ayon sa ginang, kasalukuyan umano siya noong naghahanda ng agahan ng kanyang pamilya nang sandaling lumabas upang bumili ng pagkain sa halos katabi lang na tindahan at bagama’t napakalapit lang ng kanyang bibilhan ay pinasya pa rin niyang ikandado ang kanilang main door kung saan siya lumabas.

Matapos makabili, agad ding umuwi ang negosyante na sa tantiya ay nasa mahigit lang umanong dalawang minuto. Laking gulat na lamang niya nang datnan ang kanilang pintuan na bukas na at nang kanyang tingnan ay nadistrongka na pala ang door knob nito.

Agad siyang nag-ikot sa kanilang bahay at inalam kung may nawala sa kanilang pag-aari, dito niya nadiskubre na natangay ng kawatan ang kanyang Asus laptop na nasa P30,000 ang halaga; Asus zenfone 5 na nasa P7,000 at perang nagkakahalaga ng P11,000.

Agad na nagtungo ang ginang sa himpilan ng pulisya at ipinagbigay-alam ang insidente.

Patuloy nang nangangalap ng mga CCTV footage na nakakabit malapit sa bahay ng biktima ang mga awtoridad na posibleng nakahagip sa nangyaring pagnanakaw at sa hitsura ng kawatan o mga kawatan. (Cherk Balagtas)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?