417

Dec 21, 2018 @ 18:07
By

Bully ‘wag i-kick out, Ateneo dapat akuin ang responsibilidad – Muntinlupa Rep. Biazon

Hindi umano dapat sipain sa eskuwelahan ang junior high school student na nag-viral sa social media dahil sa pambu-bully sa kapwa mag-aaral sa Ateneo de Manila University.

Katuwiran ni Muntinlupa City Representative Ruffy Biazon, kapag na-kick out si Joaquin Montes ay lalo lamang titigas ang ulo nito at mambibiktima ng iba pang bata sa lilipatang paaralan.

Ang kailangan aniyang gawin ay isailalim ang bata sa supervised rehabilitation program at huwag nang pasalihin sa mga kompetisyon ng sports na taekwondo kung saan ito kasapi.

Paliwanag pa ni Biazon, madali lamang sabihin na patalsikin sa eskuwelahan ang isang bully pero pinalalala lamang nito ang problema at bibigyan pa ng pagkakataon ang bata na maghari sa ibang institusyon.

“I don’t think the bully should be kicked out. That would only harden him and still be a bully in his new school. Let him stay under a closely supervised rehab program. Ban him from competing TKD for the school. Let him face daily those he tormented,” sabi ni Biazon.

Iginiit ng kongresista na dapat akuin ng Ateneo ang responsibilidad sa naturang insidente ng bullying sa loob ng kanilang campus.

May pagkukulang anya sa panig ng paaralan kaya sa halip na magpatupad ng simpleng anti-bullying campaign, mainam na bumuo ng proactive monitoring systems at feedback mechanisms.

“Let the school bear the responsibility of reforming the bully which, in the first place, went on because of a certain degree of negligence by the school,” ani Biazon.

Sa kumalat na video, makikitang ipinapahiya at sinasaktan ni Montes ang isang mag-aaral sa loob ng palikuran.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?