8,186

By

Bully na sinungaling pa! Waiter na sinapak pumalag sa kuwento ni Delos Santos

Inakusahan ng waiter na sinapak ni Ang Probinsyano party-list Rep. Alfred delos Santos na nagsisinungaling ang kongresista sa mga detalye ng totoong nangyari sa insidente.

Kasabay nito, hinamon ni Christian Kent Alejo si Delos Santos na magsabi ng totoo at mag-public apology.

Kuwento ni Alejo sa interview sa dzmm, pumunta ang mambabatas sa kanilang bahay at humingi ng dispensa.

Sinabihan niya ito na kung hihingi ng dispensa, dapat mag-sorry si Delos Santos sa taumbayan na may media at sabihin kung ano ang totoo.

“Pumunta siya dito, sir. Humihingi siya ng dispensa. Ang sabi ko, ‘Kung hihingi ka ng dispensa, mag-sorry ka sa taumbayan na may media. Sabihin mo kung ano ang totoo,'” saad ni Alejo.

Batay sa police blotter, bigla na lang inupakan nang walang dahilan ni Delos Santos si Alejo sa Biggs Diner sa Albay noong Hulyo 7 at maging sa CCTV footage makikitang tumayo ang una para suntukin ang waiter.

Pero depensa ni Delos Santos, hindi suntok ang ginawa niya kundi tinapik lang nito ang sumbrero ng waiter.

“Hindi naman po suntok ‘yung ginawa ko. Tinapik ko po ‘yung sumbrero niya para matapos na, umalis na siya,” saad ng bagitong kongresista sa interview sa dzbb.

Tinanggi naman ng waiter ang sinasabi ni Delos Santos na pagbulong niya kaya nagalit ang huli.

“Kitang-kita po sa camera… Paalis na po ako, tinawag niya po ako. Ang sabi niya sa akin, ‘Bakit ang sama mo makatingin?’ Ang sagot ko doon, ‘Di man po, sir,’” sabi ni Alejo.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?