16
ABANTE chicago bulls holiday miami heat
Jan 16, 2018 @ 10:49

Bulls winakasan ang 7-win streak ng Heat

Winakasan ng Chicago Bulls ang seven-game winning streak ng Miami Heat, 119-111, nitong Lunes (Martes, Manila time).

Lumagare sa kanyang ikalawang laro sa Bulls si Zach LaVine ng 18 points habang kumana ng pitong tres si Justin Holiday sa tinipon niyang 25 points.

Ito na ang pangatlong sunod na panalo ng Bulls.

Nagkapunit sa ACL si LaVine noong nakaraang season sa dati niyang koponan na Minnesota Timberwolves at nai-trade sa Chicago kapalit ni Jimmy Butler sa offseason.

Umiskor siya ng 14 points sa unang sabak sa Bulls noong Sabado kontra Detroit Pistons.

Limitado lang sa 20 minuto ang laro ni LaVine dahil sa injury kung saan nakatulong naman siya ng 13 points sa 12 minuto lang sa first half, at ang four-point play niya sa nalalabing siyam na segundo bago ang break ang nagpaabante sa Chicago, 55-48.

Mayroon din siyang 5 rebounds, 5 assists at dalawang steals.

Samantala, tatlong 3-pointers ni Holiday ay ginawa niya lahat sa 3rd quarter kung saan isa rito ang nagpalamang ng 19 points sa Bulls, 82-63.

Napababa ng Heat sa 105-100 ang iskoring sa 3:39 ng laro.

Pero hindi bumigay si Holiday na gumamit ng isang jump shot at dalawang free throws habang pumukol ng 3-pointer si rookie Lauri Markkanen para umalagwa ulit ang Bulls.

Na-injured naman si Heat starter Tyler Johnson sa kaliwang bukong-bukong sa third quarter at tinulungang makabalik ng locker room.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?