34

Dec 8, 2017 @ 16:11
By

Bullpups, Eaglets malilinis pa rin

Nanatiling perpekto ang National University at Ateneo de Manila University sa 80th UAAP Juniors Basketball Tournament 2017 patungo sa huling dalawang labanan sa first round eliminations.

Tanging ang Bullpups at Blue Eaglets na lamang ang natitirang mga koponan na hindi pa nakakalasap ng kabiguan sa kapwa bitbit na 5-0 panalo-talong record.

Sinakmal ng NU ang defending champion Far Eastern University-Diliman, 80-68, bago magaan na tinalo ng Ateneo ang University of Santo Tomas, 94-63.

Determinado na makabawi mula sa nalasap na kabiguan sa nakaraang taon na kampeonato kontra Baby Tamaraws, patuloy na pangungunahan ang Bullpups ni Rhayyan Amsali, na nagtatala ng double-double averages na 14.4 puntos at 10 rebounds.

Kaagapay niya sina Terrence Fortea (13.4 points), Miguel Oczon (12.6 points), Matthew Manalang (11.6) at Michael Malonzo (10.2) na mga nag-a-average rin ng double figures para sa Bustillos-based hoopsters.

Hindi naman nagpapaiwan ang Loyola Heights cagers sa pamumuno ni sophomore center Kai Sotto na patuloy na nagtatala ng malalaking mga numero sa impresibong average na 14.6 puntos , 12.2 rebounds at 4.4 block ngayong season.

Si SJ Belangel ay may average na 15.4 puntos kada laro upang bitbitin ang Ateneo kasama sina Dave Ildefonso (13 puntos at walong rebounds kada laro) at Joaquin Manuel (10.4 points). (Lito Oredo)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?