13

May 12, 2021 @ 13:41
By

Bulkang Taal, patuloy sa pag-aalburoto

Nakapagtala ang Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) ng 355 na volcanic earthquakes sa paligid ng bulkang Taal sa loob lamang ng 24 oras, ayon sa pahayag ng ahensya nitong Miyerkules.

Sa 355 pagyanig na naitala, 201 dito ang tinatawag na low-frequency habang 154 naman ang tinatawag na volcanic tremors na tumatagal ng dalawa hanggang 35 minuto.

Bukod sa mga pagyanig ay naobserbahan din ng PHIVOLCS na patuloy ang pagbubuga ng bulkan ng sulfur dioxide. Ayon sa ahensya, sa taya nila’y 3,463 tonelada ng nasabing kemikal ang binubuga ng bulkan kada araw.

Dahil sa patuloy na aktibidad ng bulkan, nanatili itong nasa Alert Level 2. Ito ay nangangahulugan na sarado pa rin ang Taal Volcano Island at iba pang lugar na nasa ilalum ng permanent danger zone sa paligid ng bulkan.

Nag-abiso rin ang PHIVOLCS na iwasan ng mga piloto ang pagdaan sa itaas ng bulkan.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?