25

Feb 17, 2021 @ 15:28
By

Bulkang Taal malaki posibilidad na muling sumabog – Phivolcs

Ibinabala ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) na tumataas ang posibilidad na muling sumabog ang Taal Volcano sa Batangas katulad ng naganap noong Enero 12, 2020.

Ito’y matapos makapagtala ang Phivolcs sa nakalipas na 24 oras ng 69 pagyanig dulot ng hydrothermal activity sa Taal Volcano.

“Umakyat po iyong gas mula sa magma sa ilalim at ito iyong nagpapainit sa tubig sa ilalim ng Taal Volcano Island. At iyong tubig na iyan at iyong steam o gas ay kumikilos kaya maraming paglindol. Ito rin po ang nagdudulot ng pagpapainit sa Taal main crater lake at sa pagiging mas acidic nito,” paliwanag ni Phivolcs Director Renato Solidum sa isang televised briefing nitong Miyerkoles.

“So ito po iyong ating tinitingnan, tumataas po ang posibilidad na magkaroon ng phreatic eruption or explosion tulad po noong nangyari noong initial part ng January 12, 2020 activity ng Taal Volcano,” dagdag niya.

Kahapon, Pebrero 16, inilikas na ang mga residente ng Taal Volcano Island matapos ang bahagyang pagtaas ng aktibidad ng bulkan.

Enero noong nakaraang taon sumabog ang Taal Volcano at nagpakawala ng abo na umabot sa Metro Manila at kalapit na mga lalawigan.

Kabuuang 39 katao ang nasawi sa pagsabog ng Taal dahil tumanggi umanong mag-evacuate, ang iba ay bumalik sa kanilang mga bahay habang ang ilan ay pumanaw sa mga evacuation center matapos atakehin sa puso sanhi ng pagkabalisa.

Tumaas din ang demand noon para sa N95 mask dahil sa pagkalat ng abo sa hangin at kalaunan ay dahil sa COVID-19 pandemic.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?